Friday, October 30, 2009

ANG KAIBAHAN NG KAUTUSAN NI CRISTO SA KAUTUSAN NI MOISES

” PAGHAHAMBING

NG

KAUTUSAN

NI

MOISES

SA KAUTUSAN

NI CRISTO

(Pag-aaral sa

Kahulugan ng

Nasasaad

sa JUAN 1:17 )

” Sapagkat ibinigay ang KAUTUSAN sa

pamamagitan ni MOISES ngunit ang PAG-IBIG at

KATOTOHANAN ay dumating sa pamamagitan

ni CRISTO.

- JUAN 1:17

1. Ang Kautusan ni Moises ay mahigpit at may malupit na parusa sa bawat mabigat na pagkakasala.



Kung may masusumpungan sa gitna mo, sa loob ng alin man sa iyong mga pintuang-daan, na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, ang lalake o babae na gumagawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon mong Dios, sa pagsalangsang sa kaniyang tipan,

At yumaon at naglingkod sa ibang mga dios, at sumamba sa kanila, o sa araw, o sa buwan, o sa anomang natatanaw sa langit na hindi ko iniutos;

At maisaysay sa iyo, at iyong mabalitaan; ay iyo ngang sisiyasating masikap; at, narito, kung totoo, at ang bagay ay tunay, na ang gayong karumaldumal ay nagawa sa Israel,

Ay iyo ngang ilalabas ang lalake o babaing yaon, na gumawa nitong bagay na kasamaan, sa iyong mga pintuang-daan, sa makatuwid baga’y ang lalake o babae; at iyong babatuhin sila ng mga bato, hanggang sila’y mamatay.

Sa bibig ng dalawang saksi, o ng tatlong saksi ay papatayin ang dapat mamatay; sa bibig ng isang saksi ay hindi siya papatayin.

Ang kamay ng mga saksi ay siyang unang papatay sa kaniya at pagkatapos ang kamay ng buong bayan. Ganito mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.
- DEUTERONOMIO 17:1-7










HALIMBAWANG TUNTUNIN:
Kung ang isang lalake ay may matigas na loob at mapanghimagsik na anak, na ayaw makinig ng tinig ng kaniyang ama, o ng tinig ng kaniyang ina, at bagaman kanilang parusahan siya ay ayaw makinig sa kanila:

Ay hahawakan nga ng kaniyang ama at ng kaniyang ina at dadalhin sa mga matanda sa kaniyang bayan, at sa pintuang-bayan ng kaniyang pook;

At kanilang sasabihin sa mga matanda sa kaniyang bayan. Itong aming anak ay matigas na loob at mapanghimagsik, na ayaw niyang dinggin ang aming tinig; siya’y may masamang pamumuhay, at manglalasing.

At babatuhin siya ng mga bato, ng lahat ng mga lalake sa kaniyang bayan upang siya’y mamatay: gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo; at maririnig ng buong Israel, at matatakot.







- DEUTERONOMIO 21:18-21

Ang Kautusan ni Cristo ay nababatay sa habag at pag-ibig.

Ang katuparan ng pangako ay hindi inaantala ng Panginoon tulad ng inaakala ng iba. Siya ay mapagtiis sa atin. Hindi niya nais na ang sinuman ay mapahamak kundi ang lahat ay magsisi.
- 2 PEDRO 3:9
Kaya nga, yamang tayo ay may isang dakilang pinakapunong-saserdote, si Jesus na Anak ng Diyos na dumaan sa mga langit, tayo ay magpakatatag sa ating ipinahahayag. 15Sapagkat wala tayong pinakapunong-saserdote na hindi maaaring makiramay sa ating mga kahinaan. Siya ay sinubok sa lahat ng paraan katulad natin ngunit siya ay hindi nagkasala. 16Kaya nga, dumulog tayo sa trono ng biyaya na may malaking pagtitiwala upang tayo ay tumanggap ng habag at biyaya na makatutulong sa atin sa panahon ng pangangailangan.
- HEBREO 4:14-16
HALIMBAWANG ARAL:
1Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa Panginoon dahil ito ay matuwid. 2Igalang ninyo ang inyong ama at ina. Ito ang unang utos na may pangako: 3Gawin ninyo ito upang maging mabuti para sa inyo at kayo ay mamuhay nang matagal sa lupa. 4Mga ama, huwag ninyong ibunsod sa galit ang inyong mga anak sa halip ay alagaan ninyo sila sa pagsasanay at sa turo ng Panginoon.
- EFESO 6:1-4

2. Sa tuntunin ng Kautusan ay hindi maaaring maghandog sa Diyos ang mga taong may kapintasan o kapansanan.

17. Iyong salitain kay Aaron, na iyong sasabihin, Sinoman sa iyong mga binhi, sa buong panahon ng kaniyang lahi, na magkaroon ng anomang kapintasan, ay huwag lumapit na maghandog ng tinapay ng kaniyang Dios.
18. Sapagka’t sinomang magkaroon ng kapintasan ay huwag lalapit; maging ang taong bulag, o pilay, o magkaroon ng ilong na ungod, o ang mayroong kuntil,
19. O ang taong magkaroon ng paang bali o kamay na bali,
20. O taong kuba, o unano, o magkaroon ng kapintasan sa kaniyang mata, o galisin, o langibin, o luslusin:
21. Walang tao sa binhi ni Aaron na saserdote, na magkaroon ng kapintasan, na lalapit upang magharap ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy: siya’y may kapintasan; siya’y huwag lalapit na magharap ng tinapay ng kaniyang Dios.
22. Kaniyang kakanin ang tinapay ng kaniyang Dios, ang pinakabanal at ang mga bagay na banal:
23. Hindi lamang siya papasok sa loob ng tabing, o lalapit man sa dambana, sapagka’t may kapintasan siya; upang huwag niyang lapastanganin ang aking mga santuario: sapagka’t ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kanila.
- LEVITICO 21:17-23
Ang mga kapon at mga anak sa labas ay hindi maaaring makisama sa kapulungan ng Diyos.
1. Ang nasaktan sa mga iklog, o ang may lihim na sangkap na putol ng katawan ay hindi makapapasok sa kapisanan ng Panginoon.
2. Isang anak sa ligaw ay huwag papasok sa kapisanan ng Panginoon; hanggang sa ikasangpung salin ng lahi ay walang sa kaniya’y makapapasok sa kapisanan ng Panginoon.
- DEUTERONOMIO 23:1-2

Ang salita ni Cristo ay nagsasabi na pantay-pantay ang pagtingin ng Diyos sa lahat ng tao at ang kanyang mga aral ay nagtuturo na tanggapin ang lahat ng tao.

28Sinabi niya sa kanila: Alam ninyo na hindi ayon sa kautusan na ang Judio ay makisama o lumapit sa isang taga-ibang bansa. Ngunit ipinakita sa akin ng Diyos na huwag kong tawaging pangkaraniwan o marungis ang sinuman.
- GAWA 10:28
Walang itinatangi ang Diyos:
7Ang Ama ay humahatol nang walang pagtatangi ayon sa gawa ng bawat isa. Yamang tinatawag ninyo siyang Ama, ang inyong pag-uugali ay dapat may pagkatakot sa panahon na kayo ay namumuhay bilang mga dayuhan.
- 1 PEDRO 1:17
Igalang ang lahat ng tao:
Igalang ninyo ang lahat ng tao. Ibigin ninyo ang mga kapatid. Matakot kayo sa Diyos at igalang ninyo ang hari.
- 1 PEDRO 2:17
Tanggapin ang bawat isa upang maparangalan ang Diyos:
Kaya nga, upang maluwalhati ang Diyos, tanggapin ninyo ang bawat isa ayon sa paraan ng pagtanggap sa atin ni Cristo.
- ROMA 15:7

3. Mayroong tuntunin sa Kautusan na ukol sa pagganti sa bawat masamang ginawa ng tao sa kanyang kapwa.

17. At ang manakit ng malubha sa kanino mang tao, ay papataying walang pagsala;
18. At ang manakit ng malubha sa isang hayop ay magpapalit: hayop kung hayop.
19. At kung ang sinoman ay makasakit sa kaniyang kapuwa: ayon sa ginawa niya ay gayon ang gagawin sa kaniya;
20. Bugbog kung bugbog, mata kung mata, ngipin kung ngipin: ayon sa kaniyang pagkasakit sa tao, ay gayon din ang gagawin sa kaniya.
21. At ang pumatay ng isang hayop ay magpapalit, at ang pumatay sa isang tao ay papatayin.
- LEVITICO 24:17-21

3. Ang aral ni Cristo ay nauukol sa pagpaparaya.

38Narinig ninyong sinabi: Mata sa mata at ngipin sa ngipin. 39Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag ninyong kalabanin ang masamang tao. Ngunit ang sinumang sumampal sa iyo sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kaniya ang kabila. 40Kung may ibig magsakdal sa iyo at kunin ang iyong damit, payagan mo na rin siyang kunin ang iyong balabal. 41Sinumang pumilit sa iyo na lumakad ng higit sa isang kilometro, lumakad ka ng higit pa sa dalawang kilometro na kasama niya. 42Bigyan mo ang humihingi sa iyo at huwag mong talikdan ang ibig humiram sa iyo.
- MATEO 5:38-42
17Huwag kayong gumanti ng masama sa masama sa sinuman. Magkaloob nga kayo ng mga mabubuting mga bagay sa harap ng mga tao. 18Kung maaari, yamang ito ay nasasainyo, mamuhay kayong may kapayapaan sa lahat ng tao. 19Mga minamahal, huwag kayong maghiganti, sa halip, bigyan ninyo ng puwang ang galit ng Diyos sapagkat nasusulat: Ang paghihiganti ay sa akin, pagbabayarin ko sila sa kanilang ginawa. Ito ang sinabi ng Panginoon. 20Kaya nga: Kapag nagutom ang inyong kaaway, pakainin mo siya. Kapag nauhaw siya, painumin mo siya sapagkat kapag ginawa mo ito, bubuntunan mo ng nagbabagang uling ang kaniyang ulo. 21Huwag magpatalo sa masama, sa halip, talunin mo ng mabuti ang masama.
- ROMA 12:17-21

4. Ang tuntunin ng Kautusan sa gayak ay nauukol sa panlabas lamang.

5. Ang babae ay huwag mananamit ng nauukol sa lalake, ni ang lalake ay magsusuot ng pananamit ng babae; sapagka’t sinomang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumaldumal sa Panginoon mong Dios.
- DEUTERONOMIO 22:5
11. Huwag kang magbibihis ng magkahalong kayo, ng lana at lino na magkasama.
- DEUTERONOMIO 22:11
12. Gagawa ka sa iyo ng mga tirintas sa apat na laylayan ng iyong balabal, na ipinangbabalabal mo sa iyo.
- DEUTERONOMIO 22:12
19. Iingatan ninyo ang aking mga palatuntunan. Huwag ninyong pagaasawahin ang dalawang hayop ninyong magkaiba; huwag kayong maghahasik sa inyong bukid ng dalawang magkaibang binhi; ni damit na hinabi na may magkahalong dalawang magkaibang kayo ay huwag kayong magsusuot.
- LEVITICO 19:19
27. Huwag ninyong gugupitin ng pabilog ang mga buhok sa palibot ng inyong ulo, ni huwag mong sisirain ang mga dulo ng iyong balbas.
-LEVITICO 19:27

Ang mga aral ni Cristo sa gayak ay nauukol sa pagkatao o laman ng kalooban ng puso ng tao.

8Kaya nga, ninais ko na ang mga lalaki ay manalangin sa lahat ng dako na itinataas ang kanilang mga kamay na banal na walang poot o pagtatalo. 9Gayundin naman, ninais ko na gayakan ang mga babae ang kanilang sarili, manamit ng maayos, maging mahinhin at gina-gamit nang maayos ang pag-iisip. Hindi dapat na nakatirintas ang buhok, o nagsusuot ng ginto, o perlas o mga mamahaling damit. 10Sa halip, dapat na magsuot sila ng mga mabubuting gawa. Ito ay nararapat sa mga babaeng nagsasabing sumasamba sila sa Diyos.
- 1 TIMOTEO 2:8-11
Kayo namang mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong sariling mga asawa. At kung mayroon pa sa kanila na hindi sumusunod sa salita ng Diyos ay madala rin sila ng walang salita sa pamamagitan ng pamumuhay ng asawang babae. 2Madadala sila kapag nakita nila ang inyong dalisay na pamumuhay na may banal na pagkatakot. 3Ang inyong paggayak ay huwag maging sa panlabas lamang. Ito ay huwag maging gaya ng pagtitirintas ng buhok at pagsusuot ng mga hiyas na ginto at mamahaling damit. 4Sa halip, ang pagyamanin ninyo ay ang paggayak sa pagkatao na natatago sa inyong puso, ang kagayakang hindi nasisira na siyang bunga ng maamo at payapang espiritu. Ito ang lubhang mahalaga sa mata ng Diyos. 5Ito ay sapagkat ganito ang kagayakang pinagyaman ng mga babaeng banal noong unang panahon. Sila ay nagtiwala sa Diyos at nagpasakop sa kanilang sariling asawa.
- 1 PEDRO 3:1-5

12Ito ay sapagkat hindi namin ipinagmamapuring muli ang aming mga sarili sa inyo. Ibinibigay namin ang pagkakataon sa inyo na kami ay inyong maipagmalaki, upang masagot ninyo sila na mga nagmamalaki ayon sa nakikita at hindi mula sa puso.

- 2 CORINTO 5:12

5. Ang mga tuntunin ng Kautusan sa paglilinis ay nauukol sa mga panlabas na paglilinis lamang.

MGA HALIMBAWANG TUNTUNIN: Tuntunin sa Paglilinis sa NanganakLEVITICO 12 Tuntunin Tungkol sa Ketong - LEVITICO 13:1-46 Tuntunin Tungkol sa Mantsa sa Damit o Kagamitang Katad - LEVITICO 13: 47-59 Paglilinis matapos gumaling ang sakit sa balat – LEVITICO 14:
54. Ito ang kautusan tungkol sa sarisaring salot na ketong at sa tina,
55. At sa ketong ng suot, at ng bahay.
56. At sa pamamaga at sa langib, at sa pantal na makintab:
57. Upang ituro kung kailan karumaldumal, at kung kailan malinis: ito ang kautusan tungkol sa ketong.
- LEVITICO 14:54-57

Ang mga aral ni Cristo ay nagtuturo ng paglilinis na nauukol sa kalooban o puso ng tao.

21Totoong narinig ninyo siya at tinuruan niya kayo ayon sa katotohanang na kay Jesus. 22Hubarin ninyo ang dating pagkatao ayon sa dating pamumuhay na sinisira ayon sa mapandayang pagnanasa. 23Magpanibago kayong muli sa espiritu ng inyong kaisipan. 24At isuot ninyo ang bagong pagkatao na ayon sa Diyos ay nilalang sa katuwiran at totoong kabanalan. 25Kaya nga, sa paghubad ninyo ng kasinungalingan ay magsalita ng katotohanan ang bawat isa sa kaniyang kapwa sapagkat tayo ay bahagi ng bawat isa. 26Magalit kayo at huwag kayong magkasala. Huwag ninyong bayaang lumubog ang araw sa inyong pagkapoot. 27Huwag din ninyong bigyan ng puwang ang diyablo. 28Ang nagnanakaw ay huwag nang magnakaw, sa halip ay magpagal siya. Dapat niyang gamitin ang kaniyang mga kamay sa paggawa ng mabuti upang siya ay makapagbahagi sa nangangailangan.
- EFESO 4:21-32

2Ngayon ay dinalisay na ninyo ang inyong mga kaluluwa sa pamamagitan ng inyong pagsunod sa katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu upang kayo ay magkaroon ng pag-ibig na walang pagkukunwari sa mga kapatid. Kaya nga, mag-ibigan kayo sa isa’t isa nang buong ningas ng may malinis na puso. 23Ipinanganak kayong muli, hindi sa binhing nasisira kundi sa walang kasiraan, sa pamamagitan ng salita ng Diyos na nabubuhay at namamalagi magpakailanman.

- 1 PEDRO 1:22-23

6. Ang Kautusan ay may tuntunin sa pagdiriwang ng mga Pista at may mga pagbabawal sa pagkain at paghipo ng mga bagay na itinuturing na karumal-dumal.

Mga Pista – LEVITICO 23, LEVITICO 20:25

43. Huwag kayong magpakarumal sa anomang umuusad, o huwag kayong magpakalinis man sa mga iyan, na anopa’t huwag kayong mangahawa riyan,
44. Sapagka’t ako ang Panginoon ninyong Dios: magpakabanal nga kayo at kayo’y maging mga banal; sapagka’t ako’y banal: ni huwag kayong magpakahawa sa anomang umuusad na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.
- LEVITICO 11:43-44
45. Sapagka’t ako ang Panginoon na nagsampa sa inyo mula sa lupain ng Egipto, upang ako’y inyong maging Dios: kayo nga’y magpakabanal, sapagka’t ako’y banal.
46. Ito ang kautusan tungkol sa hayop, at sa ibon, at sa lahat na may buhay na gumagalaw sa tubig, at sa lahat ng nilikha na umuusad sa ibabaw ng lupa;
47. Upang lagyan ninyo ng pagkakaiba ang karumaldumal at ang malinis, at ang may buhay na makakain at ang may buhay na hindi makakain.
- LEVITICO 11:45-47
Mga Hayop na Maari at Di-Maaaring Kainin – LEVITICO 11

Ang aral ni Cristo ay nagtuturo na huwag nang pasakop sa mga Pista at mga tuntunin sa pagkain at inumin.

6Kaya nga, huwag ninyong hayaan na hatulan kayo ng sinuman patungkol sa pagkain, o sa inumin, o patungkol sa pagdiriwang ng kapistahan, o sa bagong buwan o sa mga araw ng Sabat. 17Ang mga ito ay isang anino lamang ng mga bagay na darating ngunit ang katunayan ay si Cristo.

- COLOSAS 2:16-17
20Kung kayo nga ay namatay na kasama ni Cristo mula sa mga espiritwal na kapangyarihan ng sanlibutan, bakit kayo, na waring nabubuhay pa sa sanlibutan, ay nagpapasakop pa sa mga batas? 21Ang mga ito ay: Huwag kang hahawak, huwag kang titikim, huwag kang hihipo. 22Ang mga batas na ito ay tumutukoy sa mga bagay na masisira, kapag ang mga ito ay ginagamit. Ang mga ito ay ayon sa mga utos at sa mga aral ng mga tao. 23Ang mga bagay na ito ay waring may karunungan sa kusang pagsamba at huwad na pagpapakumbaba at pagpapahirap ng katawan. Ngunit ang mga ito ay walang kapangyarihan laban sa kalayawan sa laman.
- COLOSAS 2:20-23
Tanggapin ninyo siya na mahina sa pananampalataya, ngunit hindi upang pagtalunan ang iba’t ibang kuro-kuro. 2Ang isang tao ay naniniwalang maaari niyang kainin ang lahat ng bagay. Ang isa na mahina ay kumakain lamang ng gulay. 3Siya na kumakain ay huwag maliitin ang isang hindi kumakain. Siya na hindi kumakain ay huwag humatol sa kaniya na kumakain sapagkat ang Diyos ang tumanggap sa kaniya. 4Sino ka upang hatulan mo ang katulong ng iba? Ang katulong na iyon ay tatayo o babagsak na subok sa harapan ng kaniyang sariling panginoon sapagkat magagawa ng Diyos na siya ay patayuin at siya ay makakatayo.
- ROMA 14:1-4

Ito ay sapagkat ang paghahari ng Diyos ay hindi sa pagkain o sa pag-inom. Subalit ito ay sa katuwiran sa kapayapaan at kagalakan sa Banal na Espiritu. 18Ito ay sapagkat siya na naglilingkod kay Cristo sa ganitong paraan ay nagbibigay-lugod sa Diyos at katanggap-tanggap sa mga tao.

- ROMA 14:17-18

7. Ang Kautusan ay may tuntunin ukol sa paghihiwalay ng mag-asawa.

1. Pagka ang isang lalake ay kumuha ng isang babae at pinakasalan, ay mangyayari nga, na kung ang babae ay hindi kalugdan ng kaniyang mga mata, sapagka’t kinasumpungan niya ng isang kahiyahiyang bagay, ay lalagda siya ng isang kasulatan ng paghihiwalay, at ibibigay niya sa kaniyang kamay, at papagpapaalamin niya siya sa kaniyang bahay.
2. At pagkaalis niya sa bahay ng lalake, ay makayayaon siya at makapagaasawa sa ibang lalake.
3. At kung kapootan siya ng huling asawa, at lagdaan siya ng isang kasulatan ng paghihiwalay, at ibigay sa kaniyang kamay, at papagpaalamin siya sa kaniyang bahay; o kung mamatay ang huling asawa, na kumuha sa kaniya upang maging asawa niya;
4. Hindi na siya makukuhang muling maging asawa ng kaniyang unang asawa na humiwalay sa kaniya, pagkatapos na kaniyang mapangayupapa siya; sapagka’t yao’y karumaldumal sa harap ng Panginoon: at huwag mong papagkakasalahin ang lupain na ibinibigay na pinakamana sa iyo ng Panginoon mong Dios.
5. Pagka ang isang lalake ay bagong kasal, ay huwag lalabas na sasama sa hukbo ni mamamahala ng anomang katungkulan; siya’y magiging laya sa bahay na isang taon at kaniyang pasasayahin ang kaniyang asawa na kaniyang kinuha.
6. Walang taong kukuha ng gilingan o ng batong nasa itaas ng gilingan na pinakasangla: sapagka’t parang kaniyang kinuhang pinakasangla ang buhay ng tao.
















- DEUTERONOMIO 24:1-6


Kung ang magkapatid ay tumahang magkasama, at isa sa kanila’y mamatay, at walang anak, ang asawa ng patay ay huwag magaasawa ng iba sa labas: ang kapatid ng kaniyang asawa ay sisiping sa kaniya, at kukunin siya niyang asawa, at tutuparin sa kaniya ang tungkulin ng pagkakapatid ng asawa.
6. At mangyayari, na ang panganay na kaniyang ipanganganak ay hahalili sa pangalan ng kaniyang kapatid na namatay, upang ang kaniyang pangalan ay huwag mapawi sa Israel.
7. At kung ayaw kunin ng lalake ang asawa ng kaniyang kapatid, ay sasampa nga ang asawa ng kaniyang kapatid sa pintuang-bayan sa mga matanda, at sasabihin, Ang kapatid ng aking asawa ay tumatangging itindig ang pangalan ng kaniyang kapatid sa Israel; ayaw niyang tuparin sa akin ang tungkulin ng pagkakapatid ng asawa.
8. Kung magkagayo’y tatawagin siya ng mga matanda sa kaniyang bayan at pangungusapan siya: at kung siya’y tumayo at sabihin niya, Ayaw kong kunin siya;
9. Ang asawa nga ng kapatid ay paroroon sa kaniya sa harap ng mga matanda at huhubarin ang panyapak niya sa kaniyang mga paa, at luluran siya sa mukha; at siya’y sasagot at sasabihin, Ganyan ang gagawin sa lalake, na ayaw magtayo ng sangbahayan ng kaniyang kapatid.
10. At ang kaniyang pangala’y tatawagin sa Israel, Ang bahay ng hinubaran ng panyapak.
- DEUTERONOMIO 25:5-10

Ang aral ni Cristo ay nagtuturo ng kabanalan sa layunin ng pag-aasawa upang maiwasan ang paghihiwalay.

4Ang bawat isa sa inyo ay dapat nakakaalam kung papaano niya mapigil ang kaniyang katawan para sa kabanalan at karangalan. 5Ito ay hindi dapat sa masasamang nasa ng laman kagaya ng mga Gentil na hindi nakakakilala sa Diyos. 6Gayundin, ang sinuman ay hindi dapat magmalabis at magsamantala sa kaniyang kapatid sa anumang bagay sapagkat ang Panginoon ang tagapaghiganti patungkol sa lahat ng mga bagay na ito. Ito ay tulad ng sinabi namin sa inyo nang una pa man at aming pinatotohanang lubos. 7Ito ay sapagkat hindi tayo tinawag ng Diyos sa karumihan kundi sa kabanalan. 8Kaya nga, ang nagtatakwil sa mga katuruang ito ay hindi nagtatakwil sa tao kundi sa Diyos na siya ring nagbigay sa atin ng kaniyang Banal na Espiritu.

- 1 TESALONICA 4:4-8
31Sinabi rin naman: Ang sinumang lalaking magpalayas sa kaniyang asawa ay bigyan niya siya ng kasulatan ng paghihiwalay. 32Ngunit sinasabi ko sa inyo: Ang sinumang lalaking magpalayas sa kaniyang asawa, maliban na lamang sa dahilan ng pakikiapid, ay nagtutulak sa kaniya upang mangalunya. At sinumang magpakasal sa babaeng hiniwalayan ay nagkakasala ng kasalanang sekswal.
- MATEO 5:31-32

Ang Kautusan ay mabigat kaya’t maging ang mga Judio na pinagkatiwalaan nito ng Diyos ay hindi ito napasan (GAWA 15:5-11). Mahigpit ang tuntunin nito at may katapat na sumpa at parusa sa bawat paglabag at ang mga nagkakasala ng mabigat ay walang-awang pinapatay ngunit sa kabila nito ay naging masuwayin parin ang mga Israelita.

Sinasabi sa kasulatan na ang Kautusan ay ibinigay sa pamamagitan ni Moises ngunit ang pag-ibig at katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Cristo. Ang salita na Diyos na mamamalagi kailanman na siyang MABUTING BALITA na patungkol kay Cristo Hesus ay puno ng pag-ibig at ito ay higit na naging mabisa sa paghihikayat sa mga na sumunod sa Diyos.

Sapagkat buhay at mabisa ang salita ng Diyos at higit na matalas ito kaysa sa alin mang tabak na may dalawang talim. Bumabaon ito hanggang sa ikapaghihiwalay ng kaluluwa at ng espiritu at ng kasu-kasuan at utak ng buto. Nakakatalos ito ng mga pag-iisip at mga saloobin ng puso.
- HEBREO 4:12

Kaya’t gaano man kamakasalanan ang isang tao, may pag-asa siyang maligtas kung siya’y magbabalik-loob sa Diyos. Napalalambot ng pag-ibig ng Diyos ang mga pusong masuwayin, ito ang dakila at walang kundisyong niyang pag-ibig na ipinadama sa sangkatauhan sa pamamagitan ng kanyang bugtong na Anak.

15Narito ang isang mapagkakatiwalaang pananalita at karapat-dapat na lubos na tanggapin: Si Cristo Jesus ay naparito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakapusakal sa mga makasalanan. Subalit ang dahilan kung bakit niya ako kinahabagan ay upang maipakita ni Jesucristo ang kaniyang buong pagtitiyaga una sa akin, upang maging isang huwaran sa mga sasampalataya sa kaniya at nang magkamit ng buhay na walang hanggan.

- 1 TIMOTEO 1:15-16

Ito ay sa pamamagitan ng Espiritu ni Cristo na siyang nananahan sa puso ng bawat sumasampalataya sa kanya. Kaya naman, ang mga Kautusan ni Cristo ay nagiging magaan para sa mga sumasampalataya.

28Kayong lahat na napapagal at nabibigatang lubha, pumarito kayo sa akin at bibigyan ko kayo ng kapahingahan. 29Pasanin ninyo ang aking pamatok at mag-aral kayo sa akin sapagkat ako ay maamo at mababang-loob. At masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. 30Ito ay sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.
- MATEO 11:28-30

Ang kanyang mga utos ay di mahirap sundin para sa mga taong umiibig sa Diyos.

Ang sinumang sumampalataya na si Jesus ang Mesiyas, ang kaniyang kapanganakan ay mula sa Diyos. Ang sinumang umiibig sa kaniya na pinagmulan ng kapanganakan ay umiibig din naman sa kaniya na ipinanganak niya. 2Sa pamamagitan nito ay nalalaman natin na iniibig natin ang mga anak ng Diyos kung iniibig natin ang Diyos at sinusunod ang kaniyang mga utos. 3Ito ang pag-ibig ng Diyos: Tuparin natin ang kaniyang mga utos at ang kaniyang mga utos ay hindi mabigat. 4Dahil ang sinuman na ang kapanganakan ay mula sa Diyos ay nagtatagumpay sa sanlibutan at ito ang pagtatagumpay na dumadaig sa sanlibutan, ang ating pananampalataya. 5Sino ang nagtatagumpay sa sanlibutan? Hindi ba ang sumasampalataya na si Jesus ang Anak ng Diyos?
- 1 JUAN 5:1-5

Kaya naman, tayong mga Kristiyano ay buong pusong sumusunod sa kanyang mga utos, hindi dahil sa takot sa parusa kundi dahil sa ating pag-ibig sa kanya at pagtanaw ng malaking utang na loob sa kanyang mga kabutihan sa atin. Ito ang tinutukoy na ganap na pag-ibig sa kasulatan:

13Sa ganitong paraan ay nalalaman natin na tayo ay nananatili sa kaniya at siya sa atin sapagkat ibinigay niya sa atin ang kaniyang Espiritu. 14Nakita namin at pinatunayang sinugo ng Ama ang Anak upang maging Tagapagligtas ng sanlibutan. 15Ang sinumang kumikilalang si Jesus ay Anak ng Diyos, nananatili ang Diyos sa kaniya at siya ay nananatili sa Diyos. 16Alam natin ang pag-ibig ng Diyos sa atin at sinampalatayanan natin ito. Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos at ang Diyos ay nananatili sa kaniya. 17Sa ganitong paraan, naging ganap sa atin ang pag-ibig upang tayo ay magkaroon ng katiyakan sa araw ng paghuhukom. Ito ay sapagkat kung ano nga siya ay gayundin tayo sa sanlibutang ito. 18Walang takot sa pag-ibig. Ang ganap na pag-ibig ay nagtataboy ng takot sapagkat ang takot ay kaparusahan. Ang natatakot ay hindi pa nagiging ganap sa pag-ibig.
- 1 JUAN 4:13-19

Umiiwas tayo sa kasalanan at lumalayo sa kasamaan at mga kalayawan hindi dahil sa mga pagbabawal na nababasa natin sa Kautusan ni Moises kundi dahil sa puso natin ay nasusulat ang mga Kautusan ni Cristo sa pamamagitan ng kanyang Espiritu na nangungusap sa ating mga puso at budhi kaya naman dahil sa pag-ibig na siyang kabuuan ng mga Kautusan ay nagiging natural na sa atin ang paggawa ng mga bagay na matuwid at mabuti. Dahil sa Espiritung naghahari sa ating buhay ay nararamdaman natin sa kaibuturan ng ating mga puso na hindi na tayo nalulugod sa mga makamundong bagay at mga kasalanan na dati nating kinahuhumalingan noong hindi pa tayo nakakakilala sa Diyos. Ito ang bagong buhay ayon sa Espiritu.

6Ngunit ngayon, tayo ay patay na sa dating gumagapos sa atin. Tayo nga ay pinalaya sa kautusan upang tayo ay maglingkod sa pagbabago sa espiritu at hindi sa lumang titik ng kautusan.

- ROMA 7:6

Kaya’t hindi tayo nagmamalaki sa mga mabubuting bagay na ating nagagawa bagkus ay ibinibigay natin ang lahat ng kapurihan sa Diyos.

7Ngunit siya na nagmamalaki ay magmalaki sa Panginoon. 18Ito ay sapagkat hindi ang nagpaparangal sa kaniyang sarili ang katanggap-tanggap, kundi siya na pinararangalan ng Panginoon ang katanggap-tanggap.
-2 CORINTO 10:17-18
Ito ay sapagkat kapag iniisip ng sinuman na siya ay mahalaga, na hindi naman siya mahalaga, dinadaya niya ang kaniyang sarili. 4Ngunit suriin ng bawat isa ang sarili niyang mga gawa. Kung magkagayon, makakapagmapuri siya sa kaniyang sarili lamang at hindi sa iba. 5Ito ay sapagkat ang bawat isa ay dapat magbata ng bahagi na dapat niyang pasanin.
- GALACIA 6:3-5

Sapagkat ang Diyos ang nagbibigay sa atin ng pagnanasa at kakayahang gawin ang mga bagay na ayon sa kanyang kalooban at magagawa natin ito kung tayo mananatili sa pananampalataya.

3Ang dahilan nito ay gumagawa sa inyo ang Diyos upang naisin at gawin ninyo ang kaniyang mabuting kaluguran.

- FILIPOS 2:13

Tayo ay nagiging matuwid, lumalago sa pananampalataya at nababago sa araw-araw sa pamamagitan ng ating pagkakilala kay Cristo bunga ng ating mga pag-aaral at pagsasabuhay ng kanyang mga salita. Kaya tayo’y nagtitiis dahil sa ating pag-asa sa buhay na walang hanggang ipinangako ng Diyos.

Subalit anumang mga bagay na kapakinabangan sa akin, ang mga iyon ay itinuturing kong kalugihan alang-alang kay Cristo. 8Oo, sa katunayan itinuturing kong kalugihan ang lahat ng bagay para sa napakadakilang pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Dahil sa kaniya, tinanggap ko ang pagkalugi sa lahat ng bagay at itinuring kong dumi ang lahat ng mga ito, makamtan ko lamang si Cristo. 9Sa ganoon, ako ay masumpungan sa kaniya, hindi sa pamamagitan ng sarili kong katuwiran na ayon sa kautusan kundi ang katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at ang katuwiran na mula sa Diyos ay sa pamamagitan ng pananampalataya. 10Ito ay upang makilala ko siya at ang kapangyarihan ng kaniyang muling pagkabuhay at ang pakikipag-isa sa kaniyang mga paghihirap, upang matulad ako sa kaniya, sa kaniyang kamatayan.
- FILIPOS 3:7-10

At habang nakikilala natin si Cristo ng lubusan ay nagiging kawangis niya tayo. Kaya tayo’y nagsisikap na maging kabahagi sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng Kaligtasan sapagkat nararamdaman natin sa ating mga puso ang awa at pag-ibig sa ating mga kapwa tao na nasa ilalim pa ng kapangyarihan ni satanas, ang damdaming ito ay ang mismong damdamin ng Ama at ng Anak na labis ang pag-ibig sa mga taong nilikha niyang kawangis niya na siya ring nag-iibig na lahat ay maligtas. At kung matututunan natin ang pag-ibig na ito, awa sa halip na galit ang mararamdaman natin maging sa mga taong hindi kaibig-ibig at gumagawa sa atin ng masama. At pag nagawa nating ibigin maging ang ating mga kaaway ay malaki ang posibilidad na maantig ang kanilang matitigas na puso at sila ay maakit natin sa pagbabalik-loob sa Diyos, nang sa gayon, tunay ngang tayong mga Kristiyano ay magiging daluyan ng pag-ibig at pagpapala ng Diyos tungo sa sangkatauhan…

Taglay namin ang kayamanang ito sa sisidlang putik nang sa gayon ang kahigitan ng kapangyarihan ay mapasa-Diyos at hindi sa amin. 8Sa magkabi-kabila, sinisiil kami, ngunit hindi nagigipit, naguguluhan kami ngunit hindi lubos na nanghihina. 9Inuusig kami ngunit hindi pinababayaan, nabubuwal ngunit hindi nawawasak. 10Taglay naming lagi sa aming katawan ang kamatayan ng Panginoong Jesus upang maipakita rin sa aming katawan ang buhay ni Jesus. 11Ito ay sapagkat kami na nabubuhay ay laging ibinibigay sa kamatayan alang-alang kay Cristo. Ito ay upang ang buhay rin naman ni Jesus ay makita sa aming katawang may kamatayan. 12Kaya nga, ang kamatayan ay gumagawa sa amin, ngunit ang buhay ay gumagawa sa inyo.

13Sa pagkakaroon ng iisang espiritu ng pananampalataya, ayon sa nasusulat:
Ako ay sumampalataya, kaya ako ay nagsalita.

Kami ay sumampalataya, kaya kami rin ay nagsalita. 14Alam namin na siya na nagbangon sa Panginoong Jesus ay siya ring magbabangon sa amin sa pamamagitan ni Jesus at ihaharap na kasama ninyo. 15Ito ay sapagkat ang lahat ng mga bagay ay alang-alang sa inyo upang ang biyaya na sumasagana sa marami ay magparami ng pasasalamat para sa kaluwalhatian ng Diyos.

- 2 CORINTO 4:7-15

SA DIYOS ANG LAHAT NG KAPURIHAN. . . AMEN!